Magka-alaman na


Ugaling Pinoy, ayaw ng away.

Lalo na kung ito ay mga tao o institusyon na dapat (daw) ginagalang. Salaula, bastos, walang modo, yan ang mga tawag sa mga taong hindi marunong gumalang, ayon na rin sa ating kultura. Magandang ugali sa kabuuan. Pero hindi sa lahat nga pagkakataon. Paano na lang kung talagang mali ang institusyong dapat igalang? Hindi ba dapat, paminsan-minsan dapat rin silang kontrahin? Debatihin?

Father, mawalang galang na po, pero hindi ako sang ayon na hindi dapat turuan ng reproductive health ang mamamayan. Hindi ko sinasabi na wala kayong karapatang ihayag ang utos ng Diyos (ayon sa inyong paningin) sa inyong mga taga-sunod, ngunit, responsibilidad ng gobyerno na bigyan ng tamang edukasyon ang ating mga mamamayan sa paraang siyentipikong family planning.

Sila, sa huli, ang mga mamamayan mismo, ang pipili. Walang pilitan. Sila ang magdedesiyon ayon sa kanilang konsensya, at hindi dahil sila ay mga mangmang na hindi alam kung ano ang alternatibo.

Kaya sige, ihayag ninyo ang inyong position. Ihahayag naman namin ang amin. Magdebate. Magtalo-talo. At ng sa ganun magka-alaman na.

Comments

Popular Posts