Ano bang problema mo?
Nasira ba ang araw mo dahil kaninang umaga sa pagpasok mo eh nahirapan ka na namang sumakay ng jeep? Kasi Lunes nga pala ngayon, talagang agawan, tulakan at sisksikan ang sasabakin mo kahit ala sais pa lang ng umaga. Nung nakasakay ka na, trapik naman ang papatay sa oras mo. Namputsa, pagdukot mo sa bulsa wala ka palang barya. Katakut-takot na mura at kantyaw ang natanggap mo dahil nalugi ang drayber ng dalawang piso. Kahit wala pa sa EDSA bumaba ka na lang kaysa mapa-away ka pa. Dahil sa inis mo na rin naisipan mong magtaksi na lang. Sa loob-loob mo tutal ngayon lang naman. Pag para mo ng taksi, huminto ang taksi pero hindi pinto ang binuksan.... bintana.
“Boss, saan kayo?”
“Sa Merville, malapit sa....” biglang patakbo ng drayber habang umiiling at kumakaway.
Tang ‘na talaga. Sige para uli. Yung sumunod na taksi pag bukas nung bintana madali mong inangat yung lock sabay bukas ng pinto at sakay ka agad. Medyo masama yata ang loob nung drayber pero nakaupo ka na. Sa kalagitnaan ng trapik, bigla na lang nagsinde ng yosi yung drayber. Alam ba nitong air con ang taksi niya? Yang sigarilyo talaga ang isang bagay dito sa mundo na hindi mo maintindihan kung bakit naimbento pa. Bukod sa alam mo nang sinusunog ang baga mo, magastos pa. Nakasubok ka na rin nito nung high school dahil sa barkada at tandang tanda mo pa kung paano nagtawanan yung mga kaklase mo dahil ubo ka ng ubo. Pero kahit ganu’n ang nangyari, sa isip mo sila ang katawa-tawa dahil wala kang maisip na dulot ang pagyoyosi. Hithitan ng hithitan tuwing hapon sa tindahang di kalayuan sa iskul. Marami silang nagugrupo-grupo na alam na alam mong nag-uutuan ang bawat isa. Hanep ang “feeling” dahil nakapag-yoyosi. Bigaaat ng “feeling”, pare. Kung minsan bibilib ka rin sa mga may-ari ng paktorya ng mga sigarilyo. Biruin mo ang laki laki ng kinikita nila dahil mabiling-mabili ang mga produkto nila. At kaya ka bumibilib ay kung paano nila nagagawa iyon. Paano bumebenta ang isang produktong nakapagpapa-ubo ang lasa at nakapagpapa-iksi ng buhay? Maraming nakapagsabi sa iyo na sa simula lang iyong pag-ubo. Pag nasanay ka na, masasarapan ka rin at hindi ka na maaaring hindi mag-yosi. Ang dahilan nilang ito ay lalo lang dumagdag sa mga katanungan mo. Bakit kailangan mong masanay? Dahil ba ito ang ginagawa ng karamihan? Dahil ba nakita mo sa komersyal sa TV na malakas ang dating sa tsiks pag naka-yosi? Dahil ba gusto mo lang makatulong sa ekonomiya ng bansa? Dahil pag nalugi ang mga paktorya ay magasasara ang mga ito at siguradong maraming mawawalan ng trabaho. At dahil malaking industriya ito, lalo na sa ating bansa, lalong maghihirap ang bansa...lalong dadami ang mga krimen...etc. Grabe talaga itong drayber kung mag yosi. Pero teka...ito yatang drayber ang isa sa mga kaklase mo noong high school ah.
“Boss, puwede ba? Usok mo.”
“Pasensya ka na ser, yung amo ko kasi tinitipid ang pa change oil ng mga taksi niya.”
Langya. Ang akala niya siguro ay yung tambutso ng taksi niya ang sinita mo. Pero talaga rin palang maitim na ang usok sa likod. Hindi mo lang pinansin kanina dahil hindi mo sigurado kung kaninong sasakyan nanggagaling. Pero dahil sinabi na nung drayber lalo ka nang nandiri sa taksi niya. Ang kapal rin talaga nung may-ari ng taksi. Alam kaya niyang pampubliko ang taksi niya? Okey lang sa kaniyang magbuga ang mga taksi niya ng maiitim na usok basta’t kumikita. Kung anong kapal ng usok, siguro siya ring kapal ng mukha nung hayup na yon. Lalung lalo na yung mga bus. Sa itim ng mga usok maiisip mo tuloy minsan na tumatakbo ang mga ito sa uling. Pagkalalaki pa naman ng mga tambutso. Aba’y puwede ka nang mawala sa gitna ng EDSA pag natyempuhan ka. At sa kahabaan nga ng EDSA ilang beses na ring naglagay ang gobyerno ng mga detektor ng air pollution. Hindi mo malaman kung kanino ka maaawa, sa kanila o sa mga mamamayan. Sa araw-araw na pagdaan mo sa EDSA at sa tuwing sisilip ka sa detektor ay wala pa atang dalawang beses na gumana ito. At yung dalawang beses na iyon ay parehong nasa DANGEROUS ang reading. Hanggang sa magsawa ka nang sumilip. Siguro sira na iyong sensor sa tindi ng polusyon o di kaya’y pinapatay na lang nila para hindi matakot ang mga tao. Naalala mo tuloy yung power plant sa Sucat. Hindi mo maintidihan kung bakit kung minsan ay itim na usok ang lumalabas at kung minsan ay maputi-puti naman. Gusto kaya nilang palabasin na may malinis at may maruming usok na nanggagaling sa planta? Natatawa ka pa kung minsan dahil ang mga katabi nito, na siyang umaasa sa power, ay mga paktorya na ang karamihan ay gumagawa ng mga gamot. Gamot para sa sore throat, ubo, hika, t.b., at kung anu-ano pang sakit dulot ng air pollution. Ang galing din, naisip mo. Habang dumadami ang demand ng mga gamot lalong mangangailangan ng power ang mga paktorya. Dahil nito lalo ring dadalas ang pagbuga ng mga usok mula sa planta. Siyempre dadami rin ang magkakasakit at mangangailangan uli ng mga gamot....paikut-ikot. Ano ba talaga ang dapat mong gawin? Ang tanging paraan na lang ba ay takpan mo ang iyong bibig tulad ng mga traffic enforcers? Yung bang mga pantakip nila na parang ginupit na bra? Mas bagay siguro yon sa mga nagyo-yosi. Para hindi nila mailabas ang usok pag buga nila. Kaya lang paano ang paghithit nila?
“Hindi boss, yang sigarilyo mo!”
“Ay sori ser.” Biglang patay niya ng yosi. Itatapon na sana ngunit nag-isip sandali. Nang matantyang mahigit pa sa kalahati ay itinago niya ito sa bulsa ng polo. Ibang klase talaga. Hindi mo malaman kung maaawa ka o maiinis. Cool ka lang, pilit mong sinasabi sa sarili mo. Mahaba pa ang araw at lalo na’t simula pa lang ng linggo. At isa pa siguro nga’y itong drayber yung naging kaklase mo noon. Tatanungin mo na sana siya kaya lang nagdalawang isip ka dahil naalala mo kung anong klaseng ugali meron yung kaklase mong iyon. Paano kung siya nga iyon? Eh di ba yun ang taong ayaw na ayaw mong makasama o maka-usap man lang. Siya kasi yung tipong sipsip sa mga teacher. Tuwing pasko noon may regalo siya sa bawat teacher n’yo. Walang paltos magmula first year hanggang fourth year. Ay naku, doon nga pala sa iskul mo ay usong-uso ang palakasan. Kaya nga ba’t dalang-dala ka na sa Christmas party noon. Karamihan sa mga teacher ay may nakahandang pagkalalaking supot para sa mga regalong makokolekta. At ang ibang supot naman ay para sa mga handang sumobra na kanilang pinag-aassign sa bawat estyudante. Fruit salad, pansit, lumpiang shanghai, at kung anu-ano pa. Aba’y parang mga nag Christmas shopping ang mga teacher pag-uwi. Sukang-suka ka talaga sa mga ganoong teacher. Hindi mo tuloy malaman kung gaano ka tutoo ang mga sinasabi nilang “It’s better to give than to receive”. Ewan mo kung nagkataon lang pero yung nag-valedictorian ay yung pinaka maraming regalo sa mga teacher tuwing pasko. Alam mo namang matalino rin yun ngunit may kilala ka ring mas matalino pa sa kanya---yung salutatorian. Kaya lang mahirap lang sila kaya hindi ito nakapagre-regalo sa mga teacher. Nagkataon nga lang siguro. At itong drayber na nasa tabi mo, kung s’ya nga yung kaklase mong sipsip, isang di kapani-paniwala ngunit posibleng pagkakataon din.
Grabe talaga ang trapik. At nung nasa service road ka na patungo sa iyong kumpanya ay halos hindi gumagalaw ang mga sasakyan. Malamang hanggang Bicutan na naman ang pila ng trapik na ito. Dahil maluwag ang pasalubong na lane, bumubulong ka sa iyong sarili na wala sanang mangga-gago at mag counter flow nang bigla na lang umoberteyk yung jeep na nasa likod nung taksing sinasakyan mo. Tang na! Di ba nitong alam na tag-isang lane lang ang service road? Gusto mong sigawan ang hayup. Sandali lang ay isa-isang parang mga ulol na nagsunuran ang ibang mga sasakyan. Karamihan ay jeep at taksi ngunit may mga kotse rin. Sari-sari kaagad ang pumasok sa mainit mong ulo. Sana mayroon kang minamanehong traktor na pasalubong sa mga motoristang iyon. At kahit na nagsihinto na sila ay tuloy pa rin ang patakbo mo. Wala silang mapupuntahan dahil punong-puno ng sasakyan ang kabilang lane. At kahit bumangga na sila ay hindi mo tatantanan ang pagsulong ng traktor. Sadya mo pang itotodo ang makina hanggang sa sunod-sunod silang maitulak paatras. Kahit magsigawan na ang mga pasahero at mga tao, sige tuloy pa rin. Hanggang sa magkayupi-yupi na ang mga sasakyan. Aaaaaahhhhh!!!! Talagang galit na galit ka na. Sa mga sandaling ito mo naiintindahan yung mga nababalitaan at nababasa mo sa dyaryo na nagkakabarilan ng dahil lang sa trapik. At ang iyong dakilang drayber, hindi mapakali. Halata mong gustong-gusto niyang sumunod kaya lang hindi niya magawa dahil tutok na tutok ang taksi niya sa trak na nasa harap nyo. Nang umusad ng konti yung trak biglang kabig siyang pakaliwa. Dahil sa pagmamadaling makagulang hindi nya napansing may kotseng umo-oberteyk muli sa kaliwang lane. Mabilis ang takbo ng kotse dahil siguro’y tuwang tuwa na nakalalamang siya sa iba o di kaya’y nahihiya sa ginagawa niya na ayaw niyang mamukaan siya. Napasigaw ka sabay ng sigaw ng mga gulong na mags ng kotse habang nakangiwe ang mukha nung taksi drayber. Nang tumama na ang nguso ng kotse sa taksi ay medyo nayanig ang iyong inuupuan at halata mong medyo na shock yung taksi drayber dahil hindi pa rin nagbabago ang itsura nito. Hindi ka na nag-dalawang isip at binayaran mo na agad yung kawawang drayber upang ika’y maka-alis na. Hindi mo na naisipang maki-usyoso sa dahilang naiinis ka pa rin. Buti nga sa inyong dalawa! Naunang bumaba ang drayber ng kotse at mura kaagad ang ibinati sa nakabangga. Bumaba ka na rin at madali kang naglakad palayo. Nung hindi mo na naririnig ang mga sigawan ng nagbanggaan, huminto ka sandali at nag-isip. Tinantya mo ang layo ng inyong kumpanya nang mapansin mong marami na rin ang nagsibaba ng jeep at nagsimula nang maglakad. Dahil sa inis mo na rin naisipan mong maglakad na lang. Sa loob-loob mo tutal ngayon lang naman. Medyo mainit na ang tama ng araw pero ayos lang sa wakas makakarating ka na rin sa kumpanya n’yo. Mahigit isang kilometro din siguro ang nilakad mo dahil pinagpawisan ka. Namputsa talaga, hindi ka pa nakakapasok eh amo’y pawis ka na. Ang masama pa eh late ka na naman.
Pag-akyat mo sa opisina, kumunot na naman ang noo mo. Ang una mong nakasalubong ay yung officemate mo na kupal. Ang suot pa naman ay yung paborito niyang long sleeves na kulay mertayoleyt. Tinernuhan pa niya ng itim na pantalong gawa sa telang double kneat. Mukhang ito pa yung pantalong gamit niya nung graduation sa high school ah. At dahil Lunes, hapit na hapit na naman ang buhok niya. Kung tititigan mo parang dinilaan ng baka. At halos mahatsing ka sa matusing niyang pabango na tuwing maamoy mo ay naaalala mong magpagupit sa barbero. Pero bakit ka ba galit na galit sa taong yun? Ano ba ang nagawa niya sa ‘yo? Dahil lang ba sa hindi mo gusto ang porma niya?
Oo.
Matapobre na kung matapobre. Talagang hindi mo matanggap eh. Pero bukod doon hindi mo rin gusto ang ugali, bigla mong naalala. Pag nakamiting mo tahimik naman. Wala kang problemang maririnig sa kanya. Medyo maririnde ka nga lang sa mga “actually” niya. Actually, pati ikaw nahahawa na rin. Kinabukasan may e-mail sa buong departamento kung gaano ka kabulok at kung gaano siya ka galing. Maghahanap ka pa nga ng dictionary dahil sa mga salitang noon mo lang narinig. Kupal! Naaalala mo tuloy yung mga ipis sa bahay nyo. Tahimik lang pero gustong-gusto mong tapakan. Hay naku, baka mawalan ka lang ng trabaho.
Dumiretso ka sa mesa mo at agad mong binuksan ang computer. Pagsilip mo sa e-mail mahigit dalwampung message ata ang naghihintay na basahin mo. Nag-isip ka sandali. Pagkatapos ay walang kaplano-planong nagbukas ng ibang software. Dahil sa inis mo na rin naisipan mong magsulat na lang. Sa loob loob mo tutal ngayon lang naman. Gusto mo talagang magsulat. Magsulat ng magsulat. Sige lang. Tuloy tuloy ang takatak ng keyboard ng computer. Ngayon ka lang ata nakapagsulat ng ganito. Ganadong-ganado. Matindi talaga ang inspirasyon mo. Ang mga ring ng telepono ay hindi mo pinapansin. Pati ang mga paging sa ‘yo ay binabale wala. Para ka nang isang makinang katatapos lang ma-overhaul. Ang mga sinusulat mo’y walang pakundangang lumilitaw na para bang mayroon kang pinagkokopyahan. Ang mga salitang lumalabas ay parang tubig na biglang umagos mula sa isang natibag na dam. Tuloy-tuloy. Ang kasamahan mo, nakakahalata na sa kakaiba mong pagkilos. Tinitingnan ka niya ngunit hindi mo siya pinapansin. Tuloy pa rin ang pagsulat mo. Naisip siguro niyang nababaliw ka na. Napatid na ang tali ng katinuan. Ganyan naman talaga ang mga tao, kapag malalim ang iniisip mo baliw ka. Kapag naman mababaw, bobo.
“Hoy, pare anong nangyayari sa ‘yo? Kanina ka pang pine-page ah.”
“Ha? A..ako ba ang kausap mo?” Sabay balik ka agad sa pagpindot ng keyboard. Lalung nag-alala ang kasama mo. Lumapit sa mesa mo kaya’t bigla kang napahinto.
“Ano bang problema mo?” Tanong sa yo.
Hindi ka agad nakasagot. Parang kumililing sa utak mo ang tanong na iyon. Ang tanong na yun ang nagbibigay sa yo ng inspirasyon para sumulat. Para ilabas ang lahat. Natauhan ka bigla. Iba ang dating sa ‘yo ng tanong na iyon. Parang gamot sa isang sumpang ngayon lang nalulunasan .
“Ah wala inilalabas ko lang ang sama ng loob ko!” At sa unang pagkakataon ng araw na iyon ay ngumiti ka. Iprinint ang naisulat at ikinuwento sa kaibigan.
-------------------------
Padala sa email ni Conspirator Bing
Salamat sa iyong contribution conspirator Bing. Wag muna nating aminin na kuya kita. Baka sabihin nila merong palakasan dito sa mungo conspiracy. Ok naman talaga ang kwento mo. Talagang ganyan dapat. Ipagpatuloy mo yang mga ganyang pag angal sa mundo. Iyan ang susi ng kaunlaran ng ating bayan.
ReplyDeletePara sa iba pang nais mag sumite ng kanilang obra, mangyari lang pong mag-email sa mungoconspiracy@gmail.com. Gawing subject ay "Dear Ate Helen" para ito ay agaran kong mabasa. Salamat.
----------------
Posting this a day earlier than I was supposed to. Seemed appropriate.
Ang tanging paraan na lang ba ay takpan mo ang iyong bibig tulad ng mga traffic enforcers? Yung bang mga pantakip nila na parang ginupit na bra?-- ito ang pinakafavorite ko sa lahat. Ang kuleeeet! :)
ReplyDeleteMas gusto ko iyung parang maskara ng ninja.
ReplyDeleteGrabe, binabasa ko pa lang ito, pakiramdam ko ang laki na ng itinanda ko.